Hindi ko talaga naiintindihan kung ano ang nararamdaman ng isang anak na iniiwan ng kanyang ina o amang nagibang-bansa upang maghanapbuhay.
Oo, napapanood ko sa mga pelikula ang pagsasalarawan ng hinagpis at pagdadadalamhati ng mag-anak na nagkahiwahiwalay dahil sa kailangang magtrabaho ang ina, ama, ate, o kuya sa ibang bansa.
O, napapanood ko sa mga balita at documentary ang buhay ng mga kababayan nating OFW. Nakita ko ang mga kababayan nating naninirahan sa ilalim ng tulay sa Saudi. Nabasa ko ang mga Pinoy at Pinay na hindi pinapansin ng mga embahada kahit sila na ang inapi ng mga amo nila. Narinig ko ang tuwa ng mga Pinoy na kumain sa Jollibee sa abroad na pawang nasa Pilipinas na rin sila.
Ngunit ang kaalaman ay hindi sapat upang maarok ng puso ang tunay ng sitwasyon ang tunay na nadarama ng ating mga kababayang OFW at ang kanilang pamilya. Ika nga nila, kung wala ka sa sitwasyon nila ay hindi mo malalaman ang kabubuan ng pagiging OFW. Ano nga ba ang nadarama ng isang amang OFW? O ng isang ina OFW? Ano ba ang nararanasan ng mga anak na naghihintay palagi sa pagdating ng kanilang mahal na magulang mula sa ibang bansa? Ano ang pangungulila ng isang asawa na ang asawa ay nasa ibang bansa.
Sa isang taga-labas na tulad ko ay hindi ko iyon maiintindihan. Ngunit sa simpleng karanasan na mayroon ako ay ideya ako sa hirap ng kanilang dinadaanan. Kalbaryo nga na maituturing. Narito lamang ang ilang sitwasyon na maibabahagi ko sa inyo patungkol sa mga bagay-bagay na ito:
-0-0-0-
Pasko sa Pilipinas at kaming magpi-pinsan ay masaya. Umaapaw na naman ng pera mula kina tito at tita. Umaapaw na naman ng pagkain sa mesa para sa isang salu-salong pananghalian. At syempre, pahuhuli ba sina tito sa Canada?
M&Ms, Chocolate Kisses, at mga candies. ‘Yan ang kanilang padala. Pinararamdam na kasama rin sila sa reunion ng pamilya.
Masaya ang lahat. Ngunit ‘pag tinitingnan ang mata ni lola, alam ko na ang hiling niya na sana katabi lang ng Maynila ang Canada.
-0-0-0-
Alam ko ang pangarap mong tumulong sa iyong ama at ina. Kaya sinabi mo sa akin na gusto mo sanang umalis ng Pilipinas at magtrabaho sa ibang bansa. Sabi mo, mas malaki ang sweldo doon at matutulungan mo sila sa pamamagitan noon.
Ngumiti na lang ako at sinabi ko na susuportahan kita sa pangarap mo. Pero sa kalooban ko eh sinasabi ko na huwag ka nang tumuloy dahil ayaw kong malayo sa iyo.
-0-0-0-
Malungkot ang text na balita mo sa akin: “Kuya, aalis na si mama papuntang Hongkong bukas.”
Alam kong malungkot ka at mawawalay ka na naman sa iyong ina. Bilang suporta ng isaang kabigan at kuya ika’y aking tinawagan. Ayaw mong sumagot at akala ko’y gusto mong mapag-isa.
Nag-text ka sa akin at sinabing: “Kuya hindi kita masagot at kasama ko si mama at kayakap ko ng mahigpit.”
Hinayaan na kita dahil alam ko na kahit sandali ay masaya ka bago pa man siya lumisan.
-0-0-0-
Simpleng kwento. Simpleng pangyayari. ‘Yan lang ang aking maibabahagi sa ko sa inyo. Salamat sa inyong mapag-pasensyang pagababasa.
---
This is my entry of support for the advocacy of PEBA. To my non-Filipino blogger friends and readers, may I ask your pardon if couldn’t give a translation for this post. I can’t translate it because I am not that good in translations.
Visit Ahab Reviews and Tips and read about my tips when applying for work abroad.
.
.
Visit Ahab Reviews and Tips and read about my tips when applying for work abroad.
.