Ano ang Kumpisal at Paano Magkumpisal?

Lahat ng Kristyano ay inaanyahan mg magsisi sa mga nagawang pagkakasala ngayong panahon ng kwaresma. Sa mga Katoliko, ag kaakibat ng pagsisisi ay ang Sakramento ng Kumpisal. Kaya nga sa panahon ng Kwaresma ay laging may kumpisalang bayan para magkaroon ang mga tao ng pagkakataon na magkumpisal ng kanilang mga kasalanan.

Sakramento ng Kumpisal
(Source: Catholic News World)

Ayon sa Katekismo, ang kumpisal ay ang sakramento na nag-aalis o nagpapatawad ng ating mga kasalanan pagkatapos tayong binyagan. Ang binyag ay kayang mag-alis ng mga salang orihinal at personal pero ito ay pwedeng gawin isang beses lang. Kaya naman ang Kumpisal ay para sa pagpapatawan ng mga personal na kasalanan na nagawa pagkatapos mabinyagan.

Ang kumpisal ay nagpapanumbalik ng kaisahan ng taong nagkasala sa grasya ng Diyos.


Ano ang Ginagawa sa Kumpisal

Ang kumpisal ay isinasagawa sa kumpisalan (confessional). Ang nangungumpisal ay babanggitin sa pari ang lahat ng nagawa nyang pagkakasala. Sa huli ang pari ay magbibigay ng absolution o pagpapatawad ng kasalanan at mga “acts of penance”.

Bago magkumpisal ay mabuting suriin ang iyong budhi o kalooban. Sa pagsusuri ay inaalala mo ang mga nagawa mong pagkakasala. Maarin mong gawing gabay ang Sampung Utos ng Diyos sa iyong pagsusuri ng budhi.


Narito ang pagkakasunod-sunod ng gawain sa Kumpisal:

  1. Pumunta sa lugar kumpisalan o confessional, lumuhod at sabihin: “Sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo. Amen. Basbasan mo po ako Padre (o Father) sapagkat ako ay nagkasala. Ang aking huling kumpisal ay: (sabihin kung kailan ka huling nagkumpisal). Ito po ang aking mga kasalanan: (sabihin ang lahat ng nagawang kasalanan mula noong iyong huling kumpisal)
  2. Pagkatapos sabihin ang mga kasalanan banggitin: “Padre (o Father) ito po ang lahat ng nagawa kong kasalanan”
  3. Pagkatapos nito ay magsasalita ang pari. Sa puntong ito ay pwedeng magbigay ng payo ang pari. Dito rin magbibigay ng penitensyang ang pari.
  4. Dasalin ang panalangin ng pagsisisi.
  5. Magpasalamat sa Diyos sa kapatawarang ibigay Niya sa iyo, lumabas ng lugar kumpisalan at iyong gawin ang ipinataw na penitensya.


Hindi mo kailangan banggitin ang ekstaktong araw kung kelan ka huling nagkumpisal. Halimbawa, pwede mong sabihin na ang iyong huling kumpisal ay isang buwan na ang nakalipas o isang taon na ang nakalipas. Pwedeng magbigay ng tantya.

Ang madalas na ibigay na penitensya ay ang pagdarasal ng Ama Namin o Aba Ginoong Maria. Maari ring penitensya na ipataw ng pari ay ang pagbabasa ng Biblia. Sunding mabuti ang ipapataw na penitensya sa iyo. 


Bakit Kailangan mong Magkumpisal Ngayon?

Ang kumpisal ay ang sakramento na nagpapatawad sa ating mga kasalanan at nag-aayos ng relasyon natin sa Diyos. Ang taong hindi nagkukumpisal ay hindi dapat tumanggap ng Kumunyon o Katawan ni Kristo (ostia) dahil ang kumunyon na walang kumpisal ay mas magdadala sa atin ng matinding kaparusahan. Nas ng Diyos na linisin muna natin ang ating sarili bago natin Siya papasukin sa ating mga puso. Nais ng Diyos na iwaksi natin ang pagkabulid natin sa kasalanan dahil hindi pwedeng dalawa ang panginoon natin. Hindi pwedeng pagsabayin ang “mammon” at si Kristo. Ang kumpisal ang magpapaalis ng mammon sa ating buhay.

Ngayon ay panahon kwaresma kaya naman inaanyayahan ko kayong mangumpisal, pagsisihan amg mga kasalanan, at magbalik loob sa Diyos bago pa man dumating ang mga Mahal na Araw.

- - -

Basahin ang tungkol sa iba pang Sakramento:

1. Ano ang Ginagawa sa First Communion?

2. Ano ang Ginagawa sa Kumpil?

3. Ano ang Ginagawa sa Binyag?

.