Pages

Sino nga ba si Jose Rizal para sa Akin?

Authors note: To my non-Filipino speaking friends and readers, the Philippines is celebrating the 150th birthday of one of a great man in Philippine history. This person is none other than the Filipino hero Jose Rizal. Because of this, I decided to write a piece to commemorate this great Filipino. Please pardon with me if I decided to write in the Filipino language.

---

Habang binabagtas ng aming sasakyan ang kahabaan ng Quirino Avenue ay napansin ko ang mga naglalakihang tarpaulin na may malaking pagmumukha ng sikat na bayaning si Jose Rizal. Nakasabit ang mga tarpaulin posters na iyon sa mga poste sa kahabaan ng kalsada sa Metro Manila upang ipaalala na ang pinakasikat na bayani sa balat ng Pilipinas ay magdiriwang na ng kanyang ika-150 kaarawan. Mukhang engrande ang gagawing pagdiriwang sa birthday ng tinaguriang the “Great Malayan” dahil napansin ko rin na abala ang mga trabahador sa paggawa ng mosaic art sa mga pader sa Rizal Park.
.
Jose Rizal 150 Anniversary Poster
Rizal Poster in front of Post Office building.

Sa kabila ng mga pagdiriwang na ito, sino nga ba si Jose Rizal para sa akin? Sa totoo lang hindi ko paborito si Jose Rizal sa lahat ng mga bayani na meron ang Pilipinas. Masyado nang maraming alamat at imbentong kwento ang ginawa para kay Jose Rizal na naging dahilan upang mabura kung ano ang  totoo niyang pagkatao at kung ano talaga ang naganap sa buhay niya.
.
Jose Protacio Rizal
(Source: Wiki Commons)

Para sa iba, si Jose Rizal ay para bagang naging superhero na. Siya na ang super-bait, super-gwapo, super-talino, super-tao na wala ka nang maipipintas sa kanya. Yung iba ay ginawa pang mas malala ang paghanga kay Jose Rizal at ginawa na siyang isang diyos na sinasamba ng ilan. Para naman sa iba, si Jose Rizal ang ginawa nilang kampeon sa pagiging kontra sa Simbahan na hindi nila naiintindihan na si Rizal ay nanumbalik sa kanyang Inang Simbahan bago pa man siya masawi sa Luneta. Ang mga taong ito ay gamit nang gamit kay Jose Rizal na hindi nila naiintidihan na mataas din ang paggalang ni Jose Rizal sa mga pari kaya nga hindi lahat ng pari sa kanyang mga akda ay mga kontrabida.

Una kong nakilala si Jose Rizal sa barya na kung tawagin ay “piso.” Sikat na sikat siya sa aming mga bata noon dahil siya ang aming daan upang mabili namin ang aming mga paboritong chicheria na “Araw-araw,” “Pinoy,” “Corn Bits” at kung anu-ano pang usong tinda sa mga sari-sari store. Ok na Ok din na pambala si Jose Rizal sa tatsing at siya ang daan upang dumami pa ang mga “Jose Rizal” ko sa aking bulsa.

Noong pumasok na ako sa paaralan. Napag-alaman ko na yung tao sa paborito kong barya ay sikat pala na tao. Aba, paano ko hindi maituturing na sikat si Jose Rizal eh lahat ng klasrum ay nandoon ang poster niya with matching kasabihan “Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay mas malansa pa sa isda na na-fishkill.”

Si Jose Rizal para sa akin noon ay isa lamang tao na itunuturing na “Pambansang Bayani.” Isa siyang superhuman dahil isa daw siyang genius noong bata. Pinakyaw na rin niya ang mga propesyon dahil siya ay naging doktor sa mata, manunulat, agremensor o taga-sukat ng lupa, scientist, inhinyero, at mananaya sa sugal.

Sa kolehiyo ko na lang nalaman na si Jose Rizal ay chickboy din pala. At salamat sa propesor ko sa mandatory na Rizal Studies o PI 100 sa Unibersidad ng Pilipinas ay mas naintindihan ko pa kung sino talaga si Jose Rizal. Si Jose Rizal pala ay HINDI yung tao na ipinangangalandakan sa TV, radyo at dyaryo. Si Jose Rizal pala ay ginawan ng mga alamat at kwento ng mismong mga nag-akda ng mga kilalang alagad ng kasaysayan. Si Jose Rizal pala ay PINILI ng mga Amerikano bilang kanilang poster boy noong sinakop nila tayo dahil sa tingin nila ay mas safe na gamitin si Rizal kesa sa rebolusyonaryong si Andres Bonifacio.
.
Jose Rizal at Fort Santiago
Replica ni Jose Rizal sa Fort Santiago.

Marami ang hindi nakakaintindi kay Jose Rizal dahil nabubulag sila sa mga gawa-gawang imahe na namamayani pa rin hanggang ngayon. Marami sa mga tao ang gamit nang gamit kay Jose Rizal ay umaasa lamang sa mga imbentong imahe niya. DAPAT nang WASAKIN ang mga imbentong imahen ni Jose Rizal. ORAS nang ilabas ang KATOTOHANAN ng ating KASAYSAYAN. Gaya nga ng sinabi ng isang kasabihan, “Ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa katotohanan.” Hanggang hindi natin nakikita kung ano talaga ang KATOTOHANAN sa ating kasaysayan at lagi na lang tayong umaasa sa mga imbentong kwento at imahe ay siguradong hindi uusad ang ating bansa dahil hindi natin nakikita kung ano ang ating totoong sarili.

Sana, ngayong ika-150 taon ni Jose Rizal ay simulan ang muling pagsasaliksik sa buhay ng pambansang bayani nang walang kinikilingan at walang interes na gawin siyang super-tao. Ang pagkilala natin kay Jose Rizal at gayun sa ating kasaysayan ay isang paraan sa pagkilala sa ating mga sarili. Hangga't hindi natin kilala ang ating mga sarili bilang mga Pilipino ay hindi tayo uusad bilang isang bansa.

Kung nagtatanong kayo kung ano ang sagot ko sa tanong sa pamagat ng akdang ito, heto iyon: para sa akin, si Jose Rizal ay simpleng tao lamang na minulat ang mata niya sa nangyayari sa bansa niya at handang tanggapin ang kanyang mga naging pagkakamali. At dahil siya ay simpleng tao lang ay ibig sabihin na tayo rin ay pwedeng gawin ang nagawa niyang pagmamahal sa bansa at ating kababayan. At dahil siya ay simpleng tao ay siya rin ay nagkakamali at ito ay taliwas sa mga mala-superhuman na imahen niya. Sa mga huling oras ng kanyang buhay, pinili ni Jose Rizal ang manumbalik sa kung ano ang tama at ito ang isa sa pinakamabuting ginawa ni Jose Rizal hindi lang para sa kanyang bayan kundi para na rin sa kanyang sarili.

Kaya mga kababayan ko, ating tingnan si Jose Rizal bilang isang simpleng tao. Wasakin na natin ang mga imbentong imahen ni Rizal at tanggapin natin ang katotohanan na tayo rin ay pwedeng maging katulad niya na isang Pilipino na mulat ang mga mata pero handang magpakumbaba.

9 comments:

  1. ang laki ng paghanga ko kay Rizal.Ang sarap basahin ng kanyang mga ginawa at ang kanyang buhay.

    salamat sa pag update ng blogroll mo para sa akin.

    ReplyDelete
  2. sang ayon ako sa iyong sinabi "Ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa katotohanan.”

    ReplyDelete
  3. May isa pang kasabihan Anon.

    "Ang hindi lumingon sa pinanggalingan ay nagkaka-stiff neck."

    ReplyDelete
  4. Naks! Sa birthday ko pa tumapat nung pinost mo to. Grabe nag reresearch lang ako ng mga essay patungkol sa kung sino na nga ba si Rizal sa ngayon tas napadpad ako dito. HAHAHA Napatawa mo ko dun sa Piso saka sa fishkill. LOL. OO nga eh namulat tayo na parang isang dakilang Diyos na si Rizal syempre iba pa rin yung nagawa ni Rizal sa Diyos nagbigay lang siya ng kalayaan pero ang mundo at tao ay nangaling parin sa panginoon. :3 Ang ganda nito, pag nabasa mo siya napapaisip ka talaga na parang TEKA oo nga noh pare parehas na lang ng deskripsyon kay Rizal. :)

    ReplyDelete
  5. Superhuman kung tawagin si rizal...dahil kahit na sinong taong,matalino ay tiyak mahihirapan gumawa ng libro lalo nat kung ito ay may pinanghuhugutan... Si rizal ay kahanga hanga yung iba ang tanong nila "BAKIT BA NAGING BAYANI YAN EH WALA NAMAN NAGAWA SA BAYAN"... excuse me mga mangmanag lang pwede magsabi nyan pag aralan nyo mabuti ang nagawa ni rizal at basahin nyo lahat ng artikulo nya halos parepareho ang diskripsyon.... Dapat lang na gawin siyang bayani dahil sa pamamagitan ng pagsulat ay napamulat nya ang mga pilipino na hindi dapat tayo nagpapatalo sa ibang bansa bagkos kaya pa nten silang higitan.

    ReplyDelete
  6. andyan na ako sa mga nagawa ni Rizal...pero ano nman kaya ang magiging sagot sa tanong na sino ba ang dapt na maging bayani sa pagitan nina Rizal at Andress Bonifacio?

    ReplyDelete
    Replies
    1. Sa tingin ko ay mas karapat-dapat na maging national hero si Rizal kesa kay Bonifacio. Rizal is at a higher moral plane than Bonifacio. Bonifacio's tactics brought destruction than good.

      Delete

Comments are very much welcome. However, I reserve the right to delete comments that contains spam.

Also drop by my other blog: Ahab Reviews and Tips - my tips and reviews blog.