Pages

Ako Mismo Ayoko Mismo ng Ako Mismo Dog Tag

Usong-uso ngayon, lalo na sa mga kabataan, ang Ako Mismo Dog Tag. Madalas na akong nakakakita ng mga taong naka-suot nito. Meron pa ngang nakabuyangyang sa madla ang kanyang Ako Mismo Dog Tag upang ipakita sa lahat na siya ay mayroon nga (at isa sa mga pinalad) ng Ako Mismo Dog Tag. Ngunit naiintindihan ba nila ang nais iparating ng programa ng Ako Mismo?

Ang programang “Ako Mismo” ay inilunsad sa madla ng isang grupo na kinabibilangan ng iba’t ibang tao na nagmula sa iba’t ibang sektor. Layon ng programa na ito na buksan ang isipan ng mga mamamayan sa pamamagitan ng paghahayag ng kanilang mumunting pangako sa sarili o sa bayan.

“Star-studded” ang programang ito dahil ilan sa mga “endorser” nito ay mga sikat na artista na sina Angel Locsin, ang mang-aawit na si Ely Buendia, at ang manlalaro ng Ateneo de Manila University sa larangan ng basketbol na si Chris Tiu. Meron din silang website kung saan nilalagay ng gustong makilahok sa “Ako Mismo” ang kanilang mga mumunting pangako. Marami rin silang mga programa sa iba’t ibang malls upang palawigin pa ang pakikilahok ng mga tao.

Maganda nga sana ang layunin ng “Ako Mismo” ngunit sa palagay ko ay ito ay isa lamang pauso sa tingin ng maraming tao, lalo na sa mga kabataan. Oo nga’t marami sa kanila ang nakasuot ng Dog Tag, karamihan naman sa kanila ay hindi alam ang pakahulugan ng Dog Tag na ipinapakita nila sa madla. Ang “Ako Mismo” dog tag ay matutulad lang sa ilang mga simbolo na nauuso ngayon. Matutulad lang ito sa “Three Stars and a Sun” ni Francis M na sumikat noong siya ay pumanaw, o kaya ng iba pang simbolo tulad ng Nazi Swastika, larawan ni Che Guevara, “Hammer and Sickle” ng mga Kumunista, Magdalo Flag, at kung anu-ano pa. Nawala ang pakuhulugan at minsan ay pinaghahalo-halo pa ng mga nakiki-uso.

Ang “Ako Mismo” dog tag, tulad ng mga nabanggit na mga simbolo, ay sinusuot lang ng karamihan bilang pang-porma. Upang ipakita nila sa mga tao na pasok din sila sa uso. Napaka-superficial ika nga sa wikang Ingles.

Kaya ngayon, ang masasabi ko talaga ay “ako mismo ay ayoko mismo ng Ako Mismo dog tag.”

No comments:

Post a Comment

Comments are very much welcome. However, I reserve the right to delete comments that contains spam.

Also drop by my other blog: Ahab Reviews and Tips - my tips and reviews blog.